Entry: ANG KANILANG MGA KARAPATAN 12.8.2004



Kanila ang karapatang paalisin

sa Canal dela Reina, Sunog-Apog, Tripa de Gallina,

sa magkabilang gilig ng mga kalye’t riles:

ang karapatan,

ang karapatang bunitin

sa tinubuang lupa.

Bago ito’y tinamasa nila’t ipinagpista

ang karapatang magtirik

ng mga palotsinang gapok at kalawanging lata,

mabusog sa wala

o sa tyuyo’y magpakasasa,

basahan ang lampinin, ilibing sa basahan;

magkabulati’t galis, magkaeltor, magkatibi;

maligo sa alikabok kung tag-araw, matupok,

at kung tag-ula’y ginawin, bahain, malunod:

sumakanila ang karapatang ihapay at isubsob, ikumunoy,

ang karapatang butasan ng bituka’t hubdan.

 

Kanila rin ang karapatang dakpin, multahan

habang hingal-kabayo sa paghahanap ng pandisal

sa mga bangketa’t kalsada,

o ibilanggo;

ang karapatang ikubli sa mga mata’t ilong-turista,

sa nangagpapahanging limusina,

sa mga de-pipa, de-abaniko’t de-baston,

pagkat sila umano’y salot sa paningi’t pang-amoy

at walang naisasampang dolyar at piso

sa pambansang kaha de yero;

ang karapatang pasahurin ng ilang kusing

at pagkaraa’y tanggalin

sa mga pabrika’t plantang lumalaklak,

lumalaklak sa pawis nila’t dugo.

 

Kanila ang karapatang sumibol, bumulas, mamulaklak

sa dilig ng dahop na dulang,

sa balabal ng pusali’t alingasaw,

sa lilim ng dilim at pamamanglaw.

 

Kanila lamang, at sa mga kauri, ang karapatang hiklasin

sa sinuplingang lupa:

ang karapatang baklasan,

baklasan ng hininga.

 

Nobyembre 1975

   4 comments

kristine caroll lozada
October 22, 2009   09:52 PM PDT
 
hi iyot ta beh pls gi mingaw na ko atong iyot nato
Kawal
February 28, 2007   10:05 PM PST
 
sa webmaster, paki-edit yung mga typo errors (mawalang-galang po):

- "sa magkabilang gilig ng mga
kalye’t riles:" (gilid)

- "ang karapatang bunitin sa tinubuang lupa." (bunutin)

-"o sa tyuyo’y magpakasasa," (tuyo'y)
Name
February 3, 2007   12:29 PM PST
 
ayos to para sa prject ty po
leizelna
February 27, 2005   08:36 PM PST
 
haay..ang sarap magbasa ng mga tulang may katuturan.. mabuhay ang sining ng pakikibaka!

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments