|
1 Sangsang na kulob ng itim na papawirin, ang Kagitingan ay byoletang umiigtad sa dilim. Huwag kang iingit, mga mata ng Kuya mo’y nagbabala. Granateng talulot, masilakbong kumakawag, ang bawat bubong na dinuduhapang ng putik. Namumutla ang mga kaldero. Bunton ng antak, tiim-bagang ang bawat basahan. Huwag kang iingit. 2 Sagpang ng alapaap ang buwan. Sa bungad ng isang tulay, pagdunghap mo sa estero ay may naaninag kang mga langkay ng waterlili, kayakap ang mga layak, bilibid ng langis: sisinghapsinghap sa itim na tubig. Animo’y nais umungol, tigagal ang nag-iisang punungkahoy. At pagkaraa’y nangatal. Isang paslit, nilalangaw na sugat na wari’y ayaw magbahaw, ang may kung anong dinudukwang, sinasagip sa imburnal. Sunodsunod, nahuhulog ang mga nguyngoy, nahuhulog sa burak. May babaing nakapanunghal sa bintana, hinukot ng sunong na ubaning tagsalat, aanas-anas habang ang daan ay tinatanaw. Inaawitan ng mga pulutong ng yayat na damo ang tumitigok na mga bituin. 3 Sa andamyong tinatawid, bawat hakbang ay hikbing ngumangatngat. Kasunod ng kapatid, nilambungan ka ng apat na anino, mapupusyaw. Sa sinapupunan ng kanyang kabiyak, may dagdag na hiningang pumupusag, handang ipaghele ng alingasaw at silim. At sinakmal ka ng mistulang lungga, di makaukab sa maninipis na dingding ang lamlam ng bumbilya. Salimbay ng tatlong supling ng mga nangangapos na hininga: mga kimpal ng galis, kumikiskis sa tisikong haligi; mga iskinita ng bulati, walang lubay na pinaglulubak ng gutom; mga tayantang na tangkay ng dugo, inihahapay ng itim na hangin. Ay, nais mong sa kanila ay humingi ng tawad, ngunit ang tanging nausal ay muli’t muli kang babalik: abuhing ibon na may punyal sa tuka. Hanggat ang iyong utak ay gusgusing kalyehon, hanggat ang iyong puso’y pusikit na burumbarong. |
| Leave a Comment: |