|
Taglamig ang pag-iisa, at siya’y nangangaligkig, nangangaligkig sa sulok na sinasalab ng alkohol at pulang bumbilya habang nagmamadaling-araw. Ano’ng silbi ng paghahalukipkip? Sa mga himaymay niya ay kilabot pang umaagos, sintiyak ng takipsilim, ang limahid na lalaking minsa’y nalampasan, yapak, nakatayong nakapamulsa, matiim na nakatitig sa isang blangko, abuhing pader. Karbon at kugon: di niya maiwasang masdan, di maiwasang gunitain ang mga likod at balikat na tumatagaktak, nanggigitata sa dalita, ang mga lalamunang sa utang ay nagnanaknak, ang mga basahang di malabhan ng habag at tagpian man ng sutla’y basahang hahambalang, ang mga dampang winiwindang ng baston, dolyar, talumpati Di niya maiwasang ulinigin ang mga kulumpon ng pighating humahalo sa pinagpupuyatang pait. Ay, waterliling nililingkis ng burak, mirasol na dinadaklot ng alapaap: dampol, sa ulirat, ng mga kumpol ng hiningang sumusuray, sumusuray sa makina at pinitak, dawag at aspalto. Babad sa dilim, mata siyang nakaiino sa pagwasiwas ng kanilang mga talulot, sumusulak sa liwanag bago sila matimbuwang. Martilyo at araro: kung mapangangahasan niya lamang na baakin ang kanyang bungo, gawakin ang kanyang dibdib: hayaang hiklasin ang utak niya’t puso at ialok sa mga mamad na bibig magrasang braso at kamay, isaplot, ipanganlong sa mga ugati’t mahalas na katawan… Ngunit ngayon, habang naglalatag ng banig ang magdamag, nais niyang iluwa, kasabay ng latak ng pagkalango, ang abo ng ulilang tala: lagukin ang liyab ng angaw na piko at lingkaw. Oktubre 1979 |
| cha3 February 10, 2007 03:54 PM PST wala po ba kayong tula na 10 sakanong? | ||
| Leave a Comment: |