|
Puso, kadkad ng gabi, sa pag-usad ay nasasanggi mo ang mga aninong humihingi ng sindi, o nang-aapuhap ng ngiti; nasasampid ka sa naghambalang na kalansay, granateng latay sa kalye’t bangketang abuhin: sugat sa sugat: at tumitinding hapdi, walang taros ka pang iiwain ng dilim. Sa breykwater, abot-tanaw ang gang ng mga bilding, sabwatan ng ngisi’t halakhak sa gitna ng paglalamay ng malibag na tagaktak ng pawis, iniiwasan mong kausapin ang nangungulilang mga palmera, usisain sa katuturan ng nagugutay na mga palapa, ng mga punong bumubulagta. Nais mong patulugin ka ng plawta ng hangin, samatalang lumulugso, tumitilapon ang mga iskapolding at istilbar; sa harap mo’y naglalaglagan ang mga gulanit na gris: bulusok ang simento, dugong umuuho, at sa paanan mo’y naglalawa, sa mga lasog na tabla’t pampalitada’y lumulunod. Umaalimbukay ang mga katawan, kimpalkimpal na lipak, umaalipato sa sibasib ng unipormeng nag-uulap sa pulbura, at hinihilam ka ng inuulilang mga paslit, luhang gulilat sa bunton ng tupok na hininga. Umuungol ang dagat, kagampan sa alimpuyo, habang hinihigop ang umaagos na antak. Puso, sugat sa dibdib ng magdamag, kirot na di maampat ng gasa ng buwan, tigmakin ka ng sigwang sa iyo’y maglalanggas, darangin ng araw na sa iyo’y magpapahilom. Enero 1982 |
| Leave a Comment: |