Entry: TUMATAYOG, LUMALAWAK ANG MGA BILDING AT RESORT 12.3.2004



Habang naninila ang mga turista,

negosyanteng Amerkano,

Hapones, Aleman,

luwa-matang nananagpang

bg abubot

at tanawing katutubo

bukod pa sa likas na yaman ng bayan,

may tulirong inang nag-alok ng sanggol,

ng sariling sanggol,

sa Ermita, dahil ayaw

na ang kanyang bunso’y dilat na tupukin

ng apoy ng lagnat.

At nagtatayugan, nangagsisilawak

ang commercial complex, ang hotel at resort

ang convention center.

Palotsinang kahon, kalawanging pala na sinunungsunong

ay tumapon

nang ang sintusinto’y tumpok ng basahan,

tumpok ng basahang

masagasa

ng itim na kotse sa Welcome Rotunda;

samantala, sa Batasan

ay nagbabangayan sa piling pusisyon

ang sandakot

na de-susing pulitiko.

At nagtatayugan, nangagsisilawak

ang commercial complex, ang hotel at resort,

ang convention center.

Sa Constitution Hill—kapirasong lungaw

na pinagtapunan

sa nakararaming ayaw bigyang-puwang sa bayang sarili,

tambakang ang laging nangagbabangkete’t

nabubundat

at ang mauugong na bangaw at langaw—

may gusgusing ingkong,

lupagi sa lupang sahig-barumbarong,

na nakitang

ngumangatngat nang tulala

sa bituka’y atay ng bangkay ng apong namatay sa gutom.

At nagtatayugan, nangagsisilawak

ang commercial complex, ang hotel at resort,

ang convention center.

Pinatalsik

ng poong-maylupa sa sukarera,

o tulad ng kapwa dustang magbubukid

ay kinulimbatan ng tahana’t lupa

ng isang higanteng dayong korporasyon;

katutuntong lamang sa lubak ng lunsod

magbuhat sa dawag ng iniwang baryo;

walang ipakai’t makain ay wala,

isang ama ang naghampas

ng ulo ng anak sa pader ng Recto

habang hawakhawak ang dalawang paa.

At nagtatayugan, nangagsisilawak

ang commercial complex, ang hotel at resort,

ang convention center.

Sa liyab ng sunog sa isang pabrika sa South Diversion Road,

mga manggagawa’y pilit kinapkapan

bago palabasin;

maraming nagasak;

maraming nasawi, tigmak pa ng pawis,

nang mangagsitalon mula sa mataas na mga palapag,

at ang inilimos ng kapitalista—

ng kapitalistang ayon sa dekreto’y bawal pagwelgahan—

ay hindi pa maibili ng abang kabaong.

At nagtatayugan, nangagsisilawak

ang commercial complex, ang hotel at resort,

ang convention center.

 

1978

   4 comments

darz09
August 12, 2009   08:41 PM PDT
 
kawa2 nman ang mga taong inalipin at inalisan ng karapatang pangtao....san ba ito nangyari???sa pilipinas ba ito???pilipino ba ang mga kinawa2 d2????
Claire
December 9, 2008   07:14 PM PST
 
Mayroon kami niyan sa libro......

mayroon ngang pinapasagot sa amin eh....


kaya pumunta ako d2

hehehe!!!!!!
mau
June 18, 2008   02:01 PM PDT
 
san libro ba toh mhahanap?
moki
February 5, 2008   07:09 PM PST
 
may nkpgrevw nb nito?

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments