|
ng dibdib ng Lunsod, ang kapihang ito ay sasakyang nakahimpil, siksika't kubkob ng dilim na kagampan sa bulong balumbon-usok kalampag buntunghininga bungisngis yabag paswit tungayaw... Manakanaka'y may mamumukod na halakhak o hagikgik. Marahil, may bagong balita. O lumang ulat: karanasan ni Ureta na di mapanispanis? At tuwina, anumang pagmumuni'y gugulantangin ng isang awiting may himig at lirikang manunugat, manunugat nang malalim. At kasabay ng awiti'y uusalin ng bawat isa ang kung anuanong hinakdal, habang ang mga matang tila holeng nagliliyab ay dinadaluhong ng makapal na asap. Litanya ng hinanakit ng mga dantaoong sinaklot ng lupit: litanya ng lipak litanya ng halas
litanya ng pawis litanya ng putik. Litanya ng ungol, hampas ng sanlaksang kulog at sanlaksang kidlat. At sapagkat bawat isa ay nakakaalam, bawat isa'y magsasakdal: Ganito na ang balat, ang pilik ay pilak ng lobo na ngayo'y lalong nabubundat sa dugo ng angaw. Ahas ay naghunos, nanatiling ahas. Hindi tadhana ni aksidente na tayo'y nilinlang, iniligaw ng mga tikbalang at ipinaghele ng adarna; hindi tadhana ni aksidente na pagkaraa'y nagising tayong binibiktima ng tatlong dambuhalang gagamba; hindi tadhana ni aksidente na sa huli'y ating mapuksa, mapuksa ang libo mang may sapot na pakana: hindi tadhana ni aksidente, kundi batas ng kasaysayan. Tatoong kayraming karanasang kapit-tuko sa gunita, at gamalay-pugita ang mga pamahii't mitong dapat piglasan ng diwa. Ngunit mga mata'y pahihilam na lamang ba sa usok ng Philip? Ano't hahayaang ningas nati'y daigin ng dilim, sumpa nati'y hadlangan ng pader, bigwas nati'y sa hangin sumapol? A, hindi ito panahon ng pagdadalawang-loob, hindi ito panahon ng pag-aatubili't pagkatakot. Setyembre 1973 |
| Leave a Comment: |