|
Nanlilisik pa sa iyong ulirat ang kidlat ng magdamag, umaalunignig pa ang haginit ng bagyo, at ngayon, Linggo, mga mata mo’y pinag-uulap ng abuhing umaga. Walang talahib na nakatarak sa papawirin, dito: tanging dawag ng nagtikwas na huklubang yero, magrasang posteng sa kalawaka’y nakaamba; sumpit ng asngaw ng patay na daga; tiplad ng nabulabog na lusak na ang laging saklot ay mga katawang tayantang. gaya ng mga paslit na nagtatampisaw sa kanal, nag-aalmusal ng hamog, hubo ang ila’t ang iba’yu hubad, balabal ay karbon na winawakwak ng irit nila’t hiyaw. Sa lambong ng lilang alapaap, tanaw mo, bagamat nahihilam, ang pahalihaw ng mga gusgusing bisig— salasalabat na unday, laslas, paitaas, ng mga punyal— kung paanong ang mga iyon, bawat isa, ay sabik pumunit ng tigkakapirasong langit. Hulyo 1979 |
| jan August 5, 2007 08:45 PM PDT like it..it's nice.. | ||
| Leave a Comment: |