
 |
 |
|
|
|
12.11.2004
SA LALAKING NAKALUGMOK SA HAGDANAN NG QUIAPO UNDERPASS
Bulusok ng init
sa lalamunan ko ang barakong kapeng
nilalagok,
at utak ko’y nagbibinhi,
nagluluwal
ng angaw na lintik:
bugso ng palaso,
sa karimla’y dumuduro—
nanunuot,
parang dugong humuhugos
sa mga himaymay ng kupomban at pad
na aking kaharap.
Sapagkat kanina,
(ngayo’y alauna
ng umaga)
habang ako’y umaakyat
sa hagdanan ng Underpass,
singkapal ng langgam
ang kasabay—
at habang ang iba ay iniluluwa
sa simbahan
sa Quezon Boulevard
sa Hidalgo
sa Carriedo
at sa Tulay—
muli kitang naraanan
bako ko natanaw ang Plaza Miranda.
(Walang bumubungad sa Liwasan, wala,
nang di muna lumalampas,
nagpupukol kahit sulyap
sa daming tulad mo na sinawimpalad.)
Walang tinag na bulagta,
mga mata’y pinid,
mistula kang isang bangkay:
bukas na taul
ang Underpass,
at ang mga neon sa iyong palibot ay mga kandila
na di lumuluha.
Hanging hitik
sa angaw at dumi
ay namumulaklak ng kaibang samyo,
nagsasaboy ng pighati:
amoy-amarilyo’t amoy-kalatsutsi
bawat kaha
at bawat selopeyn ng Hope at White Rabbit,
bawat beha, plastik,
supot at palara,
bawat dura,
bawat tuyong daho’t dyaryong naninilaw
at palito na nagkalat.
At sa likuran mo: sa bakod-simbahan,
nakahanay
sa tuntungang simentado,
mga batong santo
ang sa iyo’y nagtatanod,
nakatunghay
sa iba pang ang kubakob
ay aspaltong sulok
o simentong giswak
sa paligid ng simbahan:
huklubang tisiko na nakahandusay,
di na yata humihinga;
mga paslit
na tinatayantang ng mga magdamag
at mahapong kaylulupit—
umuuklo’t kumikitil
sa sanyutang binhi’t punla ng pag-asam;
bulag na lalaking pumipitikpitik
sa tambol na lata,
may silindrong kagatkagat;
mga dalagita’t aleng nag-aalok,
naglalako
ng sampaga’t kapalaran
At kanina,
nang sa ulirat ko’y muli kang sumulak,
may babaing nakahinto
sa iyong harapan—
dalamhati
na sa iyong pagkaaba
ay umaaninaw;
at siya kaya’y
may maiaamot kahit singko man lang,
sambutil na katas na maididilig
sa palad mong nalalanta?
Gusgusing babae’t ikaw ay iisa:
punong walang likat na sinisibasib
at dinarambungan
ng iilang uod,
sasandakot na dapulak.
Ang sa lupa’y nagtitiis,
gantimpala’y langit?
Saksi ako.
Ako’y saksi sa sansaglit
na pagitan
ng mga paghinga’t ng mga pagkurap,
larawan mo’y tumatarak,
kumukulo
sa dibdib ko’t bungo.
Saksi ako:
binti’t paang namamaga
at tadtad ng sugat,
animo’y haliging kagampan sa anay,
naroroong pagpistahan
ng langaw o lamok,
naroroong kulapulan
ng karbon at gabok;
hitang wari’y sisinlaki
ng patpat na braso;
balat na nangitim sa pawis at libag;
kamisetang punitpunit
at limahid,
kortong nisnis
ang laylayan, kasindusing
ng balbasing mukha.
Ay, sa pagbuntong kapara’y basura,
larawan ka’t tinig
ng katotohanang ang tingkad, dagundong
ay hindi kailanman
maaaring papusyawin,
di kailanman mapipipi.
Ngunit ngayon,
habang walang habas na sinasalanta
ng mga karnabal, bangkete’t rigodon
ng karampot na deterno
ang kalakhang dukha’t dusta,
hayaang ang iyong lugmok na katawa’y dugong magdumilat
sa kinabulwakang putik o aspalto;
hayaang humiyaw
ang katawang naaagnas,
at magsakdal: sumambulat
na sanlaksang diklap.
Posted at 11.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.12.2004
Itim na ulap ng hugong
na nagpapatalas sa nananalasang lansa,
sumasalipadpad ang mga bangaw, nakakaki at medalyado,
sa kutsilyong umuunday
sa granate, lipaking kamay ng maghapo’t magdamag.
Ang madaling-araw ay lawit-dila;
pugot ang hilera ng mga baka
sa palengke ng Farmers, nagnganga ang dibdib at tiyan
na hiniklasan ng lamanloob.
Andap ng nagbiting hiwahiwang talukap, lalo’t long pumupusyaw,
ang taning nakaanag-ag
sa pabulagta ng mga buhing atungal.
Umahon ang hangin, umuungol,
sa kinabulusukang hukay
na saglit pa’y muling dadanakan ng pawis, sa tabing-kalsada,
at ngayo’y gumagapang,
usli ang buto ng binting nabali.
Kwintas ang tapyas na buwan at mga bituing durog,
isang gusali,
pinilakan, ang ngumingisi sa laksang pusali.
Sa ganitong sandali, tambak na gusgusing bungo
ang himbing na tinitipak ng lamig,
himihibik, pabulong, ng ligamgam ng liwayliway;
ilang hikbi ng relo
at nagtatapikan na ang mga gintong halakhak
sa kinakalawang na komedor, sa loob ng gusali,
isa’t isa’y nangungumusta
ng mga bandehado ng magrasa’t putikang hininga
na pinag-aagawan pagkatadtad, at handa na namang maggigitan,
mga uod na tuwina’y naghahasa ng galamay,
pasunggab sa duguang bangkete.
Enero 1980?
Posted at 12.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.13.2004
ANG GINOO, SA GITNA NG PAGKAAGNAS
Lumalangitngit ang alpombrang kalansay,
pasan ang pataw ng kanyang mga yabag,
yao’t dito, umaalingawngaw,
sa mga bulwaga’t pasilyong itinirik
ng laksang ngiping nilagas.
Sa balikat ng Ginoo,
banayad na lumalapag
ang pilak na ibon, sulasok ng mga lamang inuka,
payagpag ng dolyar na laging umaaligid sa kanyang ulunan;
at ang kamay niyang itm, pinagkukumahog,
ay nagkakandarapa sa paglagda sa mga papeles
na tumitiyak sa pagdanak,
sa makina at araro, na granateng plema.
Maya’t maya, inaalpasan niya ang batalyon ng pangil
na binihasa sa pag-amoy, pagsagpang
sa mga gusgusing buto.
Nginangatngat ng ipis
ang nakakwadrong ngiti sa kanyang Ginang;
sa antigong istatwa ng Santo Niño,
sa isang sulok,
may dagang kumakabkab.
Humuhulas sa luha, nanlalakgit,
ang mga nilulumot na pader
sa kanyang bastyon;
susisimsim siya ng ubas,
kasalit ng kanyang mga ngisi,
habang kumikiwal ang isang uod
papalabas ng kanyang bungo.
Sa tumpok ng hamon sa mesa,
lumilimlim ang mga bangaw, nangingitlog.
Samantala, sa mga kalawanging bintana
ay sinasalpok ng hangin
ang angaw na ungol, pawisan, yapos ng kugon;
sa mga iskaparate’t aparador sa kwartong inaamag,
ang amerikana’t barong-tagalog ay nangangalisag.
Hulyo 1980
Posted at 13.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.14.2004
SERENATA KAY IRMA, MATRONA
O, Irma, sa gabing ulingin ang langit
wangis mo’y estrelyang may kislap ng plastik.
O, tangna, sa gabing nag-aalumpihit,
larawan mo, Irma, sambakol na tamis:
ampalayang pagkakinis
ang sukat mong makaparis
Hep, teka nga muna’t beauty sleep pigil—
pangangarinyo ko’y huwag mong isnabin.
Bintana’y ibuka at ako’y dunghapin,
masinghot mo man lang tunay kong loobin.
Kumusta ka, pesteng irog—
sa hapunan ba ay nabusog?
Nagdildil ba at nagmukmok
sa relyenong manok, aros
balensyana, ensalada,
hamon, morkon, peras, yema?
Ilang dighay, ilang tinga,
ilang utot ang pamana?
Pasaan ka’t nakaterno
(sanlibo lang o regalo?):
sa kubeta o sa banyo?
Aba’t hila pati trono:
hindi na ba maasahan
ang sanrekwang gwardyang bang-aw?
Sino namang lapastangan
ang sisikwat sa pedestal?
O, ilawit, ay, ilawit
nakasuot, nakasabit
sa daliri, tenga, leeg,
buhok, bewang, braso’t dibdib,
at bigyan mo ng patunay
kwentong-Marya’t kwentong Huwan—
sinasabing kapayakan
ng adorno sa katawan.
Marahil, dir, ikaw ay parating pagod:
pa’no’y lahat ng lupalop
walang sawang nililibot
pagkat mga misyo’y di matapustapos?
Gayunma’y di aksaya
Ang kembot at ngiting iyong ginagasta,
kasi’y nakataya at d’yan nakaangkla
konting luho’t simpleng bongga.
Tengkyu’t nagpaunlak sa hiling ko’t hibik
at pagpasensyahan ang basag kong boses.
Pangako ay ito: Sa aking pagbalik,
ibayong lambutsing ang iparirinig—
malamang mata mo’y mamungay patirik.
Bago tumalikod, ma’nong ihalinghing—
muling pagbisita’y pakahihintayin.
Hayo’t humindara, mantikang humihimbing
nang kariktang kapak ay lalong magningning.
At ‘wag mabahalang sa ganitong dilim,
daming nanlilisik na ngipi’t patalim.
Marso 1976
Posted at 14.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.15.2004
ANG EBANGHELYO SANG-AYON KAY SAN FERMIN, PROPETANG TAGATRUMPETA NG MAIINAM NA BALITA
Malaya na kayo,
malaya na kayong kung ilang siglo
ay nagtiis na busabos
at hikahos:
malaya na kayo’t di na nakabaon, di na nakapangaw
sa mga sakahan
at mga pilapil;
di na kayo magdidildil
ng nilugaw at ng asin
habang tinutungga
ng poong-maylupa
ang pawis n’yo, dugo’t luha.
Dapat lamang tumalima
sa idinikreto na hulughulugan ang lupang biyaya.
(Ipagpaumanhin ang laksang ektarya—
iyan lang ang kaya
ng lingkod n’yong abang-aba.)
Kapag naghingalo
at ang upa’y di pa buo,
kapalaran ninyong anak ang magmana’t apo ang umako
sa utang na labi.
Sa bangko’y kaydali
ang manghiram ng salapi.
At ‘wag mangimbulo kung kay Senyor Marquez,
sa kanyang kahinlog, sa mga dayuha’t samutsaring kabig
ang ilan lang namang asyenda’t plantasyon,
mumunting kiskisan, rantso’t irigasyon:
ani’t kita’y nakaukol
sa ikaiigi
nitong bayang kinakasi.
Kayo’y malaya na, ganap nang malaya,
kayo na kaylaong nagdusang timawa
s balat ng lupa.
Di na kayo magbabata:
sa mga balikat, pagsasamantala
ay naglahong karga;
di na magsasampung-torno-at-sansubo
samantalang umuuho
ang sebo sa nguso
ng kapitalista, at ang ibang diyos
sa kopitang kristal ay naglulubalob.
Dapat lang ay sundin,
tulad ng maamong kordero o kambing,
ang mga tuntunin,
bataw sa paggawa; halimbawa’y huwag
mag-uunyo’t mag-aaklas
lalo ngayong inaakit,
binibingwit
ang kapital at negosyo,
turista at dolyar, pati na ang piso.
Sino’ng magsasabi na pinipigilang kayo’y umasenso?
Dapat pa ngang magsilukso
sa ligaya dahil sweldo
at pagkatatataas, at nangagtatamo,
nakapag-uuwi ng kung anuanong bonus, benepisyo.
At di dapat kainggitan
sina Senyor Marquez at mga kaanak, ang mga dayuhan
at batalyon ng bataan
kahit sila ang may-ari
ng pabrika’t plantang kakaukaunti,
ilan lang kumpanya, ilang korporasyon
na roskas, bulitas at ehe sa ating pambansang pagsulong.
Malaya na kaho, kayo’y malaya na’t hindi na alipin
ng ordeng nanikil
at sa inyo ay nagtaboy
sa kung saansaang gulod at kumunoy.
Wala na nga kayong sukat ipanaghoy:
sa kalburo at pintura
ay binibihisan ang tirahang karton-lata-palotsina
nang rumikit, at magborlas
ng dangal at tikas
ang bakokang, galis, nana, plema’t uhog,
tagpi, sulsi, mantsa’t lukot.
Dapat lang tuparin iyang kautusan sa kanaisnais
na pananahanan: palaging magwalis,
at tamnan ng orkid at ng kiloplawer, o kahit katuray,
ang inyong bakuran.
Di naman sa ibig kayo’y ikubli
pero mabuti nang mapalis ang panghi,
ang amos at ubo
ay maidistyero,
at magmukhang paraiso
mula sa bukana patungo sa dulo
pag ipinapasyal ang bumibisitang mga dignitaryo:
pangulo, heheral, kardinal at hari,
emperatris, reyna’t ibang taong pili.
At di kailangan kayo’y managlihi
Kung si Senyor Marquez, ang kanyang kadugo,
ang mga dayuhan, kaututang-dila’t kapintigang-puso
ang nangaghahawak, nangagmamantini
sa di karamihang hotel, kondominyum, museyo at parke,
resort at iba pang istablisimyento: handog iya’t handa
sa maaliwalas na bukas ng madla—
tatak ng pag-unlad na inilalagda
sa ngalan ng bansa.
Siyangsiya nawa.
1981?
Posted at 15.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.16.2004
Darating ang Papa;
inaasahang bawat isa, hindi himala bagama’t bigla,
ay imakuladang inodoro
pagsambot sa ipaaagaw ng bendita.
Humahalimuyak ang ulat:
ipagpapaliban ng mga prodyuser
ang pagbibilad ng bold na pelikula,
at sa kanto ng Taft at Libertad, and Impierno
ay temporaryong bibirangan.
Kahiyahiya sa Papa.
Inatasan ang mga Metro Aide na walsin, muli’t mulit,
ang mga libaging kalansay sa bangketa,
kulapulan ng berde ang mga galising damo.
Nakasampay sa mga dila ang hula
kung saan ipapasyal ang banal na roba:
sa Kapitbahayan o bahay-BLISS?
Pagkat walang ipis na dapat umaligid,
walang sulasok na makapuknat-kulangot.
Walang pagdarahop na dapat sumalubong.
Walang barbwayr na dapat sumalikop.
Tiyak, ang ngiti ng Papa ay abot-tonsura.
Dali, ikula ang mga maskara,
alsan ng garapata ang mga rosaryo’t kalmen,
ibabad sa lisol ang mga kaluluwa.
Darating ang Papa.
Pebrero 1980
Posted at 16.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.17.2004
ANG DAMING MABIBILI SA PISO NGAYON
Halimbawa, kung nag-aalma ang ‘yong tiyan,
P0.15 belekoy o tsuwinggam:
hanggang bukas din ‘yang pagpipyestahan,
o hanggang sa susunod pang araw.
P0.50’y walang kasukat na salawal,
pero matuwa ka’t bago pa naman ang ‘yong basahan;
buti pa’y ibili ng dyaryo
nang makasinghot ng mababangong balita’t anunsyo.
gaya ng “Ngayon ay Linggo,
maaliwalas ang panahon, hindi babagyo.”
‘Yan kasing lagnat o anumang sakit, dumarating
di man hanapin,
mag-imbak ng aspirin:
P0.35’y tamangtamang gastusin.
P1.00’y totoong katakataka,
Mantakin mo’ng dulot nitong ginhawa.
(“Yung tsuwinggam nga palang pinapasasaa’y ‘wag itapon:
ipanakip sa butas ng bubong.)
Hulyo 1977
Posted at 17.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.18.2004
E ano kung tayo daw ang pangatlo
sa mga bansang pag nanaginip ay sa salitang-Amerkano?
Kaya ba mabilingmabili ang Mills & Boon?
At dinudumog tayo, pinag-aagawan ng mga multinasyonal na korporasyon?
E ano kung paraiso daw tayo ng magagandang Mis:
nakakadalawa nang Miss Universe,
tatlong Miss International, dalawang Miss Asia
at sangkatutak na Miss Kalamismis at Miss Karinderya?
Kaya ba namumutiktik sa turista’t marino
ang Ermita, Angeles at Olongapo?
At minsan, sa sobrang panggigigil ay kinagat, natagpas
ng isang negosyanteng Hapon ang utong ng putang nilalamaslamas?
E ano kung dito matatagpuan ang “Eighth Wonder of the World”?
Habang ipinoposter ito ng Ministri ng Turismo, ipinaghahambog,
ang mga apo ng mga lumikha nito’y nasa ikailang baitang ng paghihikahos?
E ano kung sa buong Asya’y tayo lang ang Kristyanong bansa?
Kaya ba sobra daw tayong pasensyoso, mapagpakumbaba?
Kaya ba malakas ang negosyo nina Humbard, Angley, Sumrall, Swaggart, Cerullo,
at marami pang naniniwala sa milagro ng mga pulitiko?
E ano kung ang atin lang daw ang “martial law na nakangiti”?
Kaya ba sa pusikit na gabi, Palasyo’y pangil na putingputi?
E ano kung nagdaos sila ng eleksyon
at sa resulta’y sumirkusirko sa tuwa ang konserbatibong oposisyon?
Mapapatalsik na ba ang diktadura o kahit ang Pinunong Tuta?
Magigising na ba ang ekonomyang minumuta?
E ano kung pinapagpagan ang Kabinet?
E ano kung kinakalburuhan ang paligid?
E ano ngayon?
E ano ngayon?
1984
Posted at 18.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.19.2004
Tauntaon, lumolobo ang kanilang badyet,
umiimbulog na parang dyet
habang pinauusukan tayo ng dikri at plebisit.
At walang tigil silang nagririkrut ng tauhan, nagdadagdag
ng armas at lodyistiks na gasolinang pampaningas
sa lakas nilang aandap-andap.
At nagdidiploy sila ng mas maraming tropa
para ipagtanggol daw ang masa
sa mga lugar na yakap ng talahib ang mga panga.
At naglalagay sila ng mga tsekpoynt
kahit sa Metro Manila na kanilang bastyon,
hangad daw nilang pigilan ang mga arsonista’t iba pang sabutur.
At baril, trantson, tirgas, waterkanon silang lumulusob, walang patumangga,
sa mga demonstrador at nagpipiket na manggagawa,
at umaangil silang buldoser habang barumbarong ay sinasagasa.
At nagdadaos sila ng kunwakunwaring ingkwentro,
larong labanan tulad ng Balikatan Otsenta’y Kwatro
na tumitiyak daw sa siguridad ng istado.
At nagpagradweyt sila kamakailan ng mga upisyal
na papalit sa mga nalalagas nilang heneral,
magpapatuloy na mangalaga daw sa katahimikan.
At nagpapakawala sila ng mga “sikret marsyal,” asong ulol
na biglang nananagpang nang di kumakahol:
mangingisay ka na lang o magpapagulunggulong.
Suma total:
namamayagpag na unipormeng duguan,
krimeng nakangisi sa ting harapan.
1984
Posted at 19.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.20.2004
Naririto sila,
kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.
Bumbunan ay helmet,
mga mata’y bala ng kanyon—
bola ng dolyar at piso—
kanila ang bungangang bihasang pumakakak
na bulak ang uwak
at uling ang tagak.
Sa bawat daliring punlo ang kuko,
tantuing pawis nati’t luha
ang ipinanghihinaw at ipinampapabango.
Damit nila ay hinabi
sa mga himaymay ng gutay na laman,
at kimpalkimpal na dugo
ang insinya’t burdang nakabudbod sa kwelyo at manggas,
lama’t dugo ng laksang anakpawis at kapanalig
na kanilang bineberdugo.
Gulong ng tanke ang ikinukubli ng suot nilang sapatos
na pinakintab sa mga butong pinulbos.
Sila ang kriminal,
Sila ang kriminal at di kailanman
Ang libong katawa’t hiningang ipinipiit nila’t pinupugto.
Naririto sila,
kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.
Ilatag ang mga halimaw, ipaskil
sa lahat ng dingding, haligi, bubong at sahig
ng utak nati’t puso:
ilatag at ipaskil saanman
at kulapulan man ng mga kalburong galamay ng mga kriminal
ay huwag na huwag ipakatkay sa panahon
Ihaginit ang ating mga bibig:
sa mga opyo nilang balita,
puwit-basong proyekto ay itudla.
Bistayin ng sumpa ang kanilang bastyon.
Hayaang dugo’y sumulak
aa ating mga ugat,
maggubat sa apoy
ang ating mga bungo’t dibdib.
Ihabagat ang angaw nating braso, paalimbukayin, idaluyong—
angaw na brasong sa karampot na kriminal
ay magbubuwal, tatabon, lulunod.
Mayo 1977
Posted at 20.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
|
|

|
|
|
POEMS
AND
TRANSLATIONS
OF
ROMULO A. SANDOVAL
26 Hulyo 1950 -
8 Pebrero 1997
Makata ng Taon sa Talaang Ginto noong 1975, si Romulo A. Sandoval ay isa sa mga modernistang tinig ng mga anakpawis. Dalawang beses siyang nagwagi sa tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature-- pangatlong gantimpala noong 1977 at unang gantimpala noong 1981. Pangahas sa wika at imahen, progresibo't makabayan sa diwa at gawa, si Mulong ay isang tunay na rebolusyonaryong makata.
Siya'y tubong Bauan, Batangas.
Ang ilan sa mga tula sa koleksyong ito na inilathala ng SIPAT PUBLICATIONS at SINING SA KOMUNIKASYON, ADBERTAYSING AT PABLISING (SIKAP) ay nalathala sa mga sumusunod na publikasyon: Kamao, The Diliman Review, Galian, The Literary Apprentice, The Philippine Collegian, Talaang Ginto sa Tula at Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino.
Ang mga sumusunod na tula ay ginawan ng maliliit o di kaya'y mayor na rebisyon: "Abo ng Ulilang Tala, Liyab ng Angaw na Piko at Lingkaw;" "Apatnaraang Matadero;" "Araw-araw, Nagpipyesta ang mga Langaw;" "Byahe;" "Ang Kanilang mga Karapatan;" "Ang mga Kriminal;" "Ang Daming Mabibili sa Piso Ngayon;" "Darating ang Papa;" "Ang Ebanghelyo Sang-ayon Kay San Fermin, Propetang Tagatrumpeta ng Maiinam na Balita;" "E Ano Ngayon?;" "Gabi, sa Isang Kapihan;" "Harana;" "Lamay;" "Pagkat Tayo'y Nagmamahal;" "Sampunit na Langit;" "Tumatayog, Lumalawak ang mga Bilding at Resort." Ang mga petsa sa hiluhan ng mga tula ay tumutukoy sa mga pinal na burador o bersyon; hindi naitala o hindi masigurado (petsang may tandang pananong) ana sa iba pa.
TAUSPUSO AT WALANG HANGGANG PASASALAMAT:
> sa Komite: Reuel M. Aguila, Tomas Agulto, Donato M. Alvarez, Flor Caagusan, Danilo A. Consumido, Jesus Manuel Santiago;
> sa mga Kasama sa Kilusan at mga Kapanalig at Kaalyado ng Pambansa-demokratikong Rebolusyong Pilipino;
> sa mga kamag-anak;
> sa mga kaibigang sumusuporta: Monico M. Atienza, Flor Caagusan, Leoncio & Linda Co, George & Mercy Fabros, Mon & Iting Isberto, Sol Juvida, Doming & Edna May Landicho, Bien Lumbera, Elynia Mabanglo, Tet Maceda, Jo-Ann Maglipon & Ding Marcelo, Bobbie Malay & Satur Ocampo, Dick Malay, P.T. Martin, Nanette Matilac, Mario Miclat, Elmer & Tita Ordonez, Carol Pagaduan, Lilia Quindoza, Gil Quito, Aida F. Santos, Judy Taguiwalo, Luis V. Teodoro, Nic Tingson, Del Tolentino, Bobby Tuazon;
> kina Dr. Susan Balingit, Dr. Carmelita C. Canila at Dr. Jesusa M. Carlos;
> kay Fanny, matalik na kaibigan;
> kina June, Jimmy, Gelacio, Tonette, Joe at Nico;
kina Chuck at We, Rita Manuel at Jovy Zarate;
sa GAT at PANULAT.
|