12.11.2004
SA LALAKING NAKALUGMOK SA HAGDANAN NG QUIAPO UNDERPASS

Bulusok ng init

sa lalamunan ko ang barakong kapeng

nilalagok,

at utak ko’y nagbibinhi,

nagluluwal

ng angaw na lintik:

bugso ng palaso,

sa karimla’y dumuduro—

nanunuot,

parang dugong humuhugos

sa mga himaymay ng kupomban at pad

na aking kaharap.

Sapagkat kanina,

(ngayo’y alauna

ng umaga)

habang ako’y umaakyat

sa hagdanan ng Underpass,

singkapal ng langgam

ang kasabay—

at habang ang iba ay iniluluwa

sa simbahan

sa Quezon Boulevard

sa Hidalgo

sa Carriedo

at sa Tulay—

muli kitang naraanan

bako ko natanaw ang Plaza Miranda.

(Walang bumubungad sa Liwasan, wala,

nang di muna lumalampas,

nagpupukol kahit sulyap

sa daming tulad mo na sinawimpalad.)

Walang tinag na bulagta,

mga mata’y pinid,

mistula kang isang bangkay:

bukas na taul

ang Underpass,

at ang mga neon sa iyong palibot ay mga kandila

na di lumuluha.

Hanging hitik

sa angaw at dumi

ay namumulaklak ng kaibang samyo,

nagsasaboy ng pighati:

amoy-amarilyo’t amoy-kalatsutsi

bawat kaha

at bawat selopeyn ng Hope at White Rabbit,

bawat beha, plastik,

supot at palara,

bawat dura,

bawat tuyong daho’t dyaryong naninilaw

at palito na nagkalat.

At sa likuran mo: sa bakod-simbahan,

nakahanay

sa tuntungang simentado,

mga batong santo

ang sa iyo’y nagtatanod,

nakatunghay

sa iba pang ang kubakob

ay aspaltong sulok

o simentong giswak

sa paligid ng simbahan:

huklubang tisiko na nakahandusay,

di na yata humihinga;

mga paslit

na tinatayantang ng mga magdamag

at mahapong kaylulupit—

umuuklo’t kumikitil

sa sanyutang binhi’t punla ng pag-asam;

bulag na lalaking pumipitikpitik

sa tambol na lata,

may silindrong kagatkagat;

mga dalagita’t aleng nag-aalok,

naglalako

ng sampaga’t kapalaran

 

At kanina,

nang sa ulirat ko’y muli kang sumulak,

may babaing nakahinto

sa iyong harapan—

dalamhati

na sa iyong pagkaaba

ay umaaninaw;

at siya kaya’y

may  maiaamot kahit singko man lang,

sambutil na katas na maididilig

sa palad mong nalalanta?

Gusgusing babae’t ikaw ay iisa:

punong walang likat na sinisibasib

at dinarambungan

ng iilang uod,

sasandakot na dapulak.

 

Ang sa lupa’y nagtitiis,

gantimpala’y langit?

 

Saksi ako.

Ako’y saksi sa sansaglit

na pagitan

ng mga paghinga’t ng mga pagkurap,

larawan mo’y tumatarak,

kumukulo

sa dibdib ko’t bungo.

Saksi ako:

binti’t paang namamaga

at tadtad ng sugat,

animo’y haliging kagampan sa anay,

naroroong pagpistahan

ng langaw o lamok,

naroroong kulapulan

ng karbon at gabok;

hitang wari’y sisinlaki

ng patpat na braso;

balat na nangitim sa pawis at libag;

kamisetang punitpunit

at limahid,

kortong nisnis

ang laylayan, kasindusing

ng balbasing mukha.

 

Ay, sa pagbuntong kapara’y basura,

larawan ka’t tinig

ng katotohanang ang tingkad, dagundong

ay hindi kailanman

maaaring papusyawin,

di kailanman mapipipi.

Ngunit ngayon,

habang walang habas na sinasalanta

ng mga karnabal, bangkete’t rigodon

ng karampot na deterno

ang kalakhang dukha’t dusta,

hayaang ang iyong lugmok na katawa’y dugong magdumilat

sa kinabulwakang putik o aspalto;

hayaang humiyaw

ang katawang naaagnas,

at magsakdal: sumambulat

na sanlaksang diklap.


Posted at 11.12.04 by itimatputi

 

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments




Previous Entry Home Next Entry

POEMS
AND
TRANSLATIONS
OF
ROMULO A. SANDOVAL
26 Hulyo 1950 -
8 Pebrero 1997


Makata ng Taon sa Talaang Ginto noong 1975, si Romulo A. Sandoval ay isa sa mga modernistang tinig ng mga anakpawis. Dalawang beses siyang nagwagi sa tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature-- pangatlong gantimpala noong 1977 at unang gantimpala noong 1981. Pangahas sa wika at imahen, progresibo't makabayan sa diwa at gawa, si Mulong ay isang tunay na rebolusyonaryong makata.

Siya'y tubong Bauan, Batangas.



Ang ilan sa mga tula sa koleksyong ito na inilathala ng SIPAT PUBLICATIONS at SINING SA KOMUNIKASYON, ADBERTAYSING AT PABLISING (SIKAP) ay nalathala sa mga sumusunod na publikasyon: Kamao, The Diliman Review, Galian, The Literary Apprentice, The Philippine Collegian, Talaang Ginto sa Tula at Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino.

Ang mga sumusunod na tula ay ginawan ng maliliit o di kaya'y mayor na rebisyon: "Abo ng Ulilang Tala, Liyab ng Angaw na Piko at Lingkaw;" "Apatnaraang Matadero;" "Araw-araw, Nagpipyesta ang mga Langaw;" "Byahe;" "Ang Kanilang mga Karapatan;" "Ang mga Kriminal;" "Ang Daming Mabibili sa Piso Ngayon;" "Darating ang Papa;" "Ang Ebanghelyo Sang-ayon Kay San Fermin, Propetang Tagatrumpeta ng Maiinam na Balita;" "E Ano Ngayon?;" "Gabi, sa Isang Kapihan;" "Harana;" "Lamay;" "Pagkat Tayo'y Nagmamahal;" "Sampunit na Langit;" "Tumatayog, Lumalawak ang mga Bilding at Resort." Ang mga petsa sa hiluhan ng mga tula ay tumutukoy sa mga pinal na burador o bersyon; hindi naitala o hindi masigurado (petsang may tandang pananong) ana sa iba pa.

TAUSPUSO AT WALANG HANGGANG PASASALAMAT:
> sa Komite: Reuel M. Aguila, Tomas Agulto, Donato M. Alvarez, Flor Caagusan, Danilo A. Consumido, Jesus Manuel Santiago;
> sa mga Kasama sa Kilusan at mga Kapanalig at Kaalyado ng Pambansa-demokratikong Rebolusyong Pilipino;
> sa mga kamag-anak;
> sa mga kaibigang sumusuporta: Monico M. Atienza, Flor Caagusan, Leoncio & Linda Co, George & Mercy Fabros, Mon & Iting Isberto, Sol Juvida, Doming & Edna May Landicho, Bien Lumbera, Elynia Mabanglo, Tet Maceda, Jo-Ann Maglipon & Ding Marcelo, Bobbie Malay & Satur Ocampo, Dick Malay, P.T. Martin, Nanette Matilac, Mario Miclat, Elmer & Tita Ordonez, Carol Pagaduan, Lilia Quindoza, Gil Quito, Aida F. Santos, Judy Taguiwalo, Luis V. Teodoro, Nic Tingson, Del Tolentino, Bobby Tuazon;
> kina Dr. Susan Balingit, Dr. Carmelita C. Canila at Dr. Jesusa M. Carlos;
> kay Fanny, matalik na kaibigan;

> kina June, Jimmy, Gelacio, Tonette, Joe at Nico;

kina Chuck at We, Rita Manuel at Jovy Zarate;

sa GAT at PANULAT.


   







rss feed