
 |
 |
|
|
|
12.1.2004
Napapanis ang laway ng dyukbaks
kahit walang patid ang ngawa ni Papin.
Kabuntot ng ngasab ng kas redyister,
humahalakhak, sa restoran, ang Coke at San Miguel;
sa tuktok ng mga bilding, naghuhuntahan ang GE, Sony, Mitsubishi;
sumisinghal sa loob ng mga tangke ang Caltex at Petron:
ano't tila pinutlan ng dila ang gabi?
Sa iniaanunsyong "Lunsod ng Tao,"
pananahimik ito ng simenteryo.
Walang ingay, liban sa gumugulong na piso, paimburnal,
liban sa duguang dura na humalik sa burak.
Enero 1981
Posted at 1.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.2.2004
Sa isang kubling kulubot
ng dibdib ng Lunsod,
ang kapihang ito ay sasakyang nakahimpil,
siksika't kubkob ng dilim
na kagampan sa bulong balumbon-usok kalampag
buntunghininga bungisngis yabag paswit tungayaw...
Manakanaka'y may mamumukod na halakhak o hagikgik.
Marahil, may bagong balita. O lumang ulat:
karanasan ni Ureta na di mapanispanis?
At tuwina, anumang pagmumuni'y gugulantangin
ng isang awiting may himig at lirikang manunugat,
manunugat nang malalim.
At kasabay ng awiti'y uusalin
ng bawat isa ang kung anuanong hinakdal,
habang ang mga matang tila holeng nagliliyab
ay dinadaluhong ng makapal na asap.
Litanya ng hinanakit
ng mga dantaoong sinaklot ng lupit:
litanya ng lipak
litanya ng halas
litanya ng pawis
litanya ng putik.
Litanya ng ungol, hampas
ng sanlaksang kulog at sanlaksang kidlat.
At sapagkat bawat isa
ay nakakaalam,
bawat isa'y magsasakdal:
Ganito na ang balat,
ang pilik ay pilak
ng lobo na ngayo'y lalong nabubundat
sa dugo ng angaw.
Ahas ay naghunos, nanatiling ahas.
Hindi tadhana ni aksidente
na tayo'y nilinlang, iniligaw ng mga tikbalang
at ipinaghele ng adarna;
hindi tadhana ni aksidente
na pagkaraa'y nagising tayong binibiktima
ng tatlong dambuhalang gagamba;
hindi tadhana ni aksidente
na sa huli'y ating mapuksa,
mapuksa ang libo mang may sapot na pakana:
hindi tadhana ni aksidente,
kundi batas ng kasaysayan.
Tatoong kayraming karanasang kapit-tuko sa gunita,
at gamalay-pugita
ang mga pamahii't mitong dapat piglasan ng diwa.
Ngunit mga mata'y pahihilam na lamang ba sa usok ng Philip?
Ano't hahayaang ningas nati'y daigin ng dilim,
sumpa nati'y hadlangan ng pader,
bigwas nati'y sa hangin sumapol?
A, hindi ito panahon ng pagdadalawang-loob,
hindi ito panahon ng pag-aatubili't pagkatakot.
Setyembre 1973
Posted at 2.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.3.2004
TUMATAYOG, LUMALAWAK ANG MGA BILDING AT RESORT
Habang naninila ang mga turista,
negosyanteng Amerkano,
Hapones, Aleman,
luwa-matang nananagpang
bg abubot
at tanawing katutubo
bukod pa sa likas na yaman ng bayan,
may tulirong inang nag-alok ng sanggol,
ng sariling sanggol,
sa Ermita, dahil ayaw
na ang kanyang bunso’y dilat na tupukin
ng apoy ng lagnat.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort
ang convention center.
Palotsinang kahon, kalawanging pala na sinunungsunong
ay tumapon
nang ang sintusinto’y tumpok ng basahan,
tumpok ng basahang
masagasa
ng itim na kotse sa Welcome Rotunda;
samantala, sa Batasan
ay nagbabangayan sa piling pusisyon
ang sandakot
na de-susing pulitiko.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.
Sa Constitution Hill—kapirasong lungaw
na pinagtapunan
sa nakararaming ayaw bigyang-puwang sa bayang sarili,
tambakang ang laging nangagbabangkete’t
nabubundat
at ang mauugong na bangaw at langaw—
may gusgusing ingkong,
lupagi sa lupang sahig-barumbarong,
na nakitang
ngumangatngat nang tulala
sa bituka’y atay ng bangkay ng apong namatay sa gutom.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.
Pinatalsik
ng poong-maylupa sa sukarera,
o tulad ng kapwa dustang magbubukid
ay kinulimbatan ng tahana’t lupa
ng isang higanteng dayong korporasyon;
katutuntong lamang sa lubak ng lunsod
magbuhat sa dawag ng iniwang baryo;
walang ipakai’t makain ay wala,
isang ama ang naghampas
ng ulo ng anak sa pader ng Recto
habang hawakhawak ang dalawang paa.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.
Sa liyab ng sunog sa isang pabrika sa South Diversion Road,
mga manggagawa’y pilit kinapkapan
bago palabasin;
maraming nagasak;
maraming nasawi, tigmak pa ng pawis,
nang mangagsitalon mula sa mataas na mga palapag,
at ang inilimos ng kapitalista—
ng kapitalistang ayon sa dekreto’y bawal pagwelgahan—
ay hindi pa maibili ng abang kabaong.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.
1978
Posted at 3.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.4.2004
Puso,
kadkad ng gabi, sa pag-usad
ay nasasanggi mo ang mga aninong humihingi ng sindi,
o nang-aapuhap ng ngiti;
nasasampid ka sa naghambalang na kalansay,
granateng latay sa kalye’t bangketang abuhin:
sugat sa sugat:
at tumitinding hapdi,
walang taros ka pang iiwain ng dilim.
Sa breykwater,
abot-tanaw ang gang ng mga bilding,
sabwatan ng ngisi’t halakhak
sa gitna ng paglalamay ng malibag na tagaktak ng pawis,
iniiwasan mong kausapin ang nangungulilang mga palmera,
usisain sa katuturan ng nagugutay na mga palapa,
ng mga punong bumubulagta.
Nais mong patulugin ka ng plawta ng hangin,
samatalang lumulugso, tumitilapon ang mga iskapolding at istilbar;
sa harap mo’y naglalaglagan ang mga gulanit na gris:
bulusok ang simento,
dugong umuuho,
at sa paanan mo’y naglalawa,
sa mga lasog na tabla’t pampalitada’y lumulunod.
Umaalimbukay ang mga katawan,
kimpalkimpal na lipak, umaalipato
sa sibasib ng unipormeng nag-uulap sa pulbura,
at hinihilam ka ng inuulilang mga paslit,
luhang gulilat sa bunton ng tupok na hininga.
Umuungol ang dagat,
kagampan sa alimpuyo, habang hinihigop
ang umaagos na antak.
Puso,
sugat sa dibdib ng magdamag,
kirot na di maampat ng gasa ng buwan,
tigmakin ka ng sigwang sa iyo’y maglalanggas,
darangin ng araw na sa iyo’y magpapahilom.
Enero 1982
Posted at 4.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.5.2004
ABO NG ULILANG TALA, LIYAB NG ANGAW NA PIKO AT LINGKAW
Taglamig ang pag-iisa,
at siya’y nangangaligkig,
nangangaligkig sa sulok na sinasalab
ng alkohol at pulang bumbilya
habang nagmamadaling-araw.
Ano’ng silbi ng paghahalukipkip?
Sa mga himaymay niya ay kilabot pang umaagos,
sintiyak ng takipsilim, ang limahid na lalaking minsa’y nalampasan,
yapak, nakatayong nakapamulsa, matiim na nakatitig
sa isang blangko, abuhing pader.
Karbon at kugon:
di niya maiwasang masdan,
di maiwasang gunitain ang mga likod at balikat
na tumatagaktak, nanggigitata sa dalita,
ang mga lalamunang sa utang ay nagnanaknak,
ang mga basahang di malabhan ng habag
at tagpian man ng sutla’y basahang hahambalang,
ang mga dampang winiwindang ng baston, dolyar, talumpati
Di niya maiwasang ulinigin
ang mga kulumpon ng pighating humahalo sa pinagpupuyatang pait.
Ay, waterliling nililingkis ng burak,
mirasol na dinadaklot ng alapaap:
dampol, sa ulirat,
ng mga kumpol ng hiningang sumusuray,
sumusuray sa makina at pinitak, dawag at aspalto.
Babad sa dilim, mata siyang nakaiino
sa pagwasiwas ng kanilang mga talulot, sumusulak sa liwanag
bago sila matimbuwang.
Martilyo at araro:
kung mapangangahasan niya lamang na baakin ang kanyang bungo,
gawakin ang kanyang dibdib:
hayaang hiklasin ang utak niya’t puso
at ialok sa mga mamad na bibig
magrasang braso at kamay,
isaplot,
ipanganlong sa mga ugati’t mahalas na katawan…
Ngunit ngayon, habang naglalatag ng banig ang magdamag,
nais niyang iluwa, kasabay ng latak ng pagkalango,
ang abo ng ulilang tala:
lagukin ang liyab
ng angaw na piko at lingkaw.
Oktubre 1979
Posted at 5.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.6.2004
1
Sangsang na kulob ng itim na papawirin,
ang Kagitingan
ay byoletang umiigtad sa dilim.
Huwag kang iingit,
mga mata ng Kuya mo’y nagbabala.
Granateng talulot, masilakbong kumakawag,
ang bawat bubong na dinuduhapang ng putik.
Namumutla ang mga kaldero.
Bunton ng antak,
tiim-bagang ang bawat basahan.
Huwag kang iingit.
2
Sagpang ng alapaap ang buwan.
Sa bungad ng isang tulay, pagdunghap mo sa estero
ay may naaninag kang mga langkay ng waterlili,
kayakap ang mga layak,
bilibid ng langis:
sisinghapsinghap sa itim na tubig.
Animo’y nais umungol,
tigagal ang nag-iisang punungkahoy.
At pagkaraa’y nangatal.
Isang paslit, nilalangaw na sugat
na wari’y ayaw magbahaw,
ang may kung anong dinudukwang, sinasagip sa imburnal.
Sunodsunod, nahuhulog ang mga nguyngoy,
nahuhulog sa burak.
May babaing nakapanunghal sa bintana,
hinukot ng sunong na ubaning tagsalat,
aanas-anas habang ang daan ay tinatanaw.
Inaawitan ng mga pulutong ng yayat na damo
ang tumitigok na mga bituin.
3
Sa andamyong tinatawid,
bawat hakbang ay hikbing ngumangatngat.
Kasunod ng kapatid,
nilambungan ka ng apat na anino, mapupusyaw.
Sa sinapupunan ng kanyang kabiyak,
may dagdag na hiningang pumupusag,
handang ipaghele ng alingasaw at silim.
At sinakmal ka ng mistulang lungga,
di makaukab sa maninipis na dingding
ang lamlam ng bumbilya.
Salimbay ng tatlong supling
ng mga nangangapos na hininga:
mga kimpal ng galis,
kumikiskis sa tisikong haligi;
mga iskinita ng bulati,
walang lubay na pinaglulubak ng gutom;
mga tayantang na tangkay ng dugo,
inihahapay ng itim na hangin.
Ay, nais mong sa kanila ay humingi ng tawad,
ngunit ang tanging nausal
ay muli’t muli kang babalik:
abuhing ibon na may punyal sa tuka.
Hanggat ang iyong utak ay gusgusing kalyehon,
hanggat ang iyong puso’y pusikit na burumbarong.
Posted at 6.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.7.2004
Sa barumbarong na kinukuyumos
ng itim na hangin,
isang sunog na katawan,
halos inagnas ng kumukulong kemikal,
ang pinaglalamayan ng mga granateng mukha.
Wala mang mumong nakatatalilis
sa silo ng mga yayat na daliri,
barumbarong iyon na ayaw talikdan ang mga daga at ipis;
at ngayon, sapagkat luksa,
nagsasayaw ang mapuputlang dila
sa punebre ng kape at tinapay.
Isang karaniwang sakuna sa pabrika,
at ang dalamhati ay di na maibalisbis ng luha:
amarilyong pinanawan na ng sangsang,
higit na mapusyaw kaysa ningas
ng kandilang kumikisay.
Sa bawat tikom na abuhing bibig,
bumubukadkad ang mga nagdurugong ngiti,
at tumitina, untiunti, sa burak ng gabi.
Nobyembre 1979?
Posted at 7.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.8.2004
ANG KANILANG MGA KARAPATAN
Kanila ang karapatang paalisin
sa Canal dela Reina, Sunog-Apog, Tripa de Gallina,
sa magkabilang gilig ng mga kalye’t riles:
ang karapatan,
ang karapatang bunitin
sa tinubuang lupa.
Bago ito’y tinamasa nila’t ipinagpista
ang karapatang magtirik
ng mga palotsinang gapok at kalawanging lata,
mabusog sa wala
o sa tyuyo’y magpakasasa,
basahan ang lampinin, ilibing sa basahan;
magkabulati’t galis, magkaeltor, magkatibi;
maligo sa alikabok kung tag-araw, matupok,
at kung tag-ula’y ginawin, bahain, malunod:
sumakanila ang karapatang ihapay at isubsob, ikumunoy,
ang karapatang butasan ng bituka’t hubdan.
Kanila rin ang karapatang dakpin, multahan
habang hingal-kabayo sa paghahanap ng pandisal
sa mga bangketa’t kalsada,
o ibilanggo;
ang karapatang ikubli sa mga mata’t ilong-turista,
sa nangagpapahanging limusina,
sa mga de-pipa, de-abaniko’t de-baston,
pagkat sila umano’y salot sa paningi’t pang-amoy
at walang naisasampang dolyar at piso
sa pambansang kaha de yero;
ang karapatang pasahurin ng ilang kusing
at pagkaraa’y tanggalin
sa mga pabrika’t plantang lumalaklak,
lumalaklak sa pawis nila’t dugo.
Kanila ang karapatang sumibol, bumulas, mamulaklak
sa dilig ng dahop na dulang,
sa balabal ng pusali’t alingasaw,
sa lilim ng dilim at pamamanglaw.
Kanila lamang, at sa mga kauri, ang karapatang hiklasin
sa sinuplingang lupa:
ang karapatang baklasan,
baklasan ng hininga.
Nobyembre 1975
Posted at 8.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.9.2004
ARAW-ARAW, NAGPIPYESTA ANG MGA LANGAW
Kumakalam na lamesa ang binahang kalsada
at ang buwan,
ang buwa’y bingaw na pinggan
nang dakutin ng paslit—
mga matang kanina pa naglalaway—
ang kanin,
ang kanin sa bandehadong sapusapo ng weyter:
tanawing sinalikop ng mga mukhang natigagal
samantalang iyo’y napakapangkaraniwang bagay,
tulad ng pagdaramit ng basahan,
o panlalagas ng hininga sa bangketang higaan.
Nanugis ang kutos
pero nakailag ang ulo,
at ang maliliksing paa’y pinasibad ng silbato.
Sa isang ulilang sulok,
nagsalusalo ang mga langaw
sa biyaya,
sa biyayang maramirami ding lunok.
Hulyo 1977
Posted at 9.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
12.10.2004
Nanlilisik pa sa iyong ulirat
ang kidlat ng magdamag,
umaalunignig pa ang haginit ng bagyo,
at ngayon, Linggo, mga mata mo’y pinag-uulap
ng abuhing umaga.
Walang talahib na nakatarak
sa papawirin, dito: tanging dawag
ng nagtikwas na huklubang yero,
magrasang posteng sa kalawaka’y nakaamba;
sumpit ng asngaw ng patay na daga;
tiplad ng nabulabog na lusak
na ang laging saklot ay mga katawang tayantang.
gaya ng mga paslit
na nagtatampisaw sa kanal,
nag-aalmusal ng hamog,
hubo ang ila’t ang iba’yu hubad,
balabal ay karbon
na winawakwak ng irit nila’t hiyaw.
Sa lambong ng lilang alapaap,
tanaw mo, bagamat nahihilam, ang pahalihaw
ng mga gusgusing bisig—
salasalabat na unday, laslas,
paitaas, ng mga punyal—
kung paanong ang mga iyon,
bawat isa, ay sabik pumunit
ng tigkakapirasong langit.
Hulyo 1979
Posted at 10.12.04 by itimatputi
[ permalink ]
|
|

|
|
|
POEMS
AND
TRANSLATIONS
OF
ROMULO A. SANDOVAL
26 Hulyo 1950 -
8 Pebrero 1997
Makata ng Taon sa Talaang Ginto noong 1975, si Romulo A. Sandoval ay isa sa mga modernistang tinig ng mga anakpawis. Dalawang beses siyang nagwagi sa tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature-- pangatlong gantimpala noong 1977 at unang gantimpala noong 1981. Pangahas sa wika at imahen, progresibo't makabayan sa diwa at gawa, si Mulong ay isang tunay na rebolusyonaryong makata.
Siya'y tubong Bauan, Batangas.
Ang ilan sa mga tula sa koleksyong ito na inilathala ng SIPAT PUBLICATIONS at SINING SA KOMUNIKASYON, ADBERTAYSING AT PABLISING (SIKAP) ay nalathala sa mga sumusunod na publikasyon: Kamao, The Diliman Review, Galian, The Literary Apprentice, The Philippine Collegian, Talaang Ginto sa Tula at Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino.
Ang mga sumusunod na tula ay ginawan ng maliliit o di kaya'y mayor na rebisyon: "Abo ng Ulilang Tala, Liyab ng Angaw na Piko at Lingkaw;" "Apatnaraang Matadero;" "Araw-araw, Nagpipyesta ang mga Langaw;" "Byahe;" "Ang Kanilang mga Karapatan;" "Ang mga Kriminal;" "Ang Daming Mabibili sa Piso Ngayon;" "Darating ang Papa;" "Ang Ebanghelyo Sang-ayon Kay San Fermin, Propetang Tagatrumpeta ng Maiinam na Balita;" "E Ano Ngayon?;" "Gabi, sa Isang Kapihan;" "Harana;" "Lamay;" "Pagkat Tayo'y Nagmamahal;" "Sampunit na Langit;" "Tumatayog, Lumalawak ang mga Bilding at Resort." Ang mga petsa sa hiluhan ng mga tula ay tumutukoy sa mga pinal na burador o bersyon; hindi naitala o hindi masigurado (petsang may tandang pananong) ana sa iba pa.
TAUSPUSO AT WALANG HANGGANG PASASALAMAT:
> sa Komite: Reuel M. Aguila, Tomas Agulto, Donato M. Alvarez, Flor Caagusan, Danilo A. Consumido, Jesus Manuel Santiago;
> sa mga Kasama sa Kilusan at mga Kapanalig at Kaalyado ng Pambansa-demokratikong Rebolusyong Pilipino;
> sa mga kamag-anak;
> sa mga kaibigang sumusuporta: Monico M. Atienza, Flor Caagusan, Leoncio & Linda Co, George & Mercy Fabros, Mon & Iting Isberto, Sol Juvida, Doming & Edna May Landicho, Bien Lumbera, Elynia Mabanglo, Tet Maceda, Jo-Ann Maglipon & Ding Marcelo, Bobbie Malay & Satur Ocampo, Dick Malay, P.T. Martin, Nanette Matilac, Mario Miclat, Elmer & Tita Ordonez, Carol Pagaduan, Lilia Quindoza, Gil Quito, Aida F. Santos, Judy Taguiwalo, Luis V. Teodoro, Nic Tingson, Del Tolentino, Bobby Tuazon;
> kina Dr. Susan Balingit, Dr. Carmelita C. Canila at Dr. Jesusa M. Carlos;
> kay Fanny, matalik na kaibigan;
> kina June, Jimmy, Gelacio, Tonette, Joe at Nico;
kina Chuck at We, Rita Manuel at Jovy Zarate;
sa GAT at PANULAT.
|